Kung ito ay isang emergency, kung ikaw o ang taong kakilala mo ay nasugatan, o kung ikaw ay nasa panganib, kaagad na tumawag sa 911.
Ang pagkalat ng COVID-19 ay nagbunga ng pagkalat ng isa pang uri ng virus: racism. Sa buong bansa, nagkaroon ng pagdami ng mga hate incidents or insidente ng galit lalo na sa mga taong mula sa lahing Intsik/Asyano o mukhang Asyano, na naging target ng racist acts. Sa patuloy na pagtaas ng pangamba at takot, may ilang mga tao or grupo na pinipiling bansagan ang virus at humanap ng masisisi sa panganib na dulot ng COVID-19 krisis.
Kabilang sa COVID-19 hate crimes sa Canada ang vandalism o paninira sa isang Buddhist temple sa Montreal, isang kaso ng pananakit na nangyari sa Costco, at vandalism sa harapang bintana ng isang Korean restaurant. May mga nabalita ding pangyayari ng pagdura at pag-ubo sa ibang tao. Ang lahat ng ito ay uri ng hate crime. Tandaan na ang hate crime ay krimen na may kasamang pisikal na pananakit, pananakot o pagbabanta (online o in-person), pamamahagi ng hate propaganda at vandalism. Kung nakaranas ka ng hate crime dapat mo rin itong ipagbigay alam sa lokal na pulis.
Kasama naman sa hate incidents ang iwasan o layuan, sabihan ng mararahas na pananalita, bansagan, mga racist na pagbibiro o mga email. Ang ilang hate incidents ay hindi maituturing na krimen kaya limitado lamang ang magagawa ng pulisya.
Ang lantaran o overt racism at hindi hayagan o subtle discrimination ay maaring magdulot ng pagkabalisa, takot at depresyon. Ang mga gawaing bunga ng poot na krimen o hindi krimen ay dapat i-report. Ang mga pangyayaring tulad nito ay maaring hindi naitatala ng wasto sa hate crime statistics dahil baka hindi ito na-irereport o na-idodokumento. Tayong lahat ay kailangang magsalita at magbahagi ng ating kwento. Kung ikaw ay nakaranas ng hate crime o hate incident, i-report ito dito.
Ang ACCT Foundation ay nag-iipon ng mga statistics at datos tungkol sa diskriminasyon, panggugulo o pananakot at pangamba na kinakaharap ng bawat Canadian sa panahon ng COVID-19. Ang mga impormasyong makokolekta ay gagamitin para masubaybayan ang hate incidents/hate crimes at para sa pagpapalaganap ng edukasyon, adbokasiya at kaalaman. Kami ay desidido na makipagtulungan sa mga kasamahang organisasyon upang maghatid ng malakas, malinaw na mensahe sa publiko at sa pamunuan ng bansang ito na ang anumang uri ng act of hate ay hindi dapat payagan at tayong lahat ay dapat manindigan at #ACT2endracism.
Iginagalang ng ACCT Foundation ang privacy at confidentiality ng mga magrereport ng anumang insidente. Anumang impormasyon na ibinahagi mo na maaring pagkakilanlan ay hindi isasapubliko o ibibigay sa mga tagapagpatupad ng batas o pulis ng walang kaukulang pahintulot galing sa iyo. Hindi kami makikipag-ugnayan sa iyo kung hindi mo pinili ang opsyon na ito. Ang ACCT Foundation ay nagsisikap na maisalin ang incident report form sa maraming wika. Maraming salamat sa paglalaan ng panahon para magpasa o sumite ng report.